
"Labing tatlong hakbang para muling makabangon"
Isang Sanaysay
By: Allyson Jane Cruz
PAG-IBIG. Ito ang dahilan ng ating pagkakalikha. Tayo ay nilalang ng Diyos upang magmahal at mahalin. Kapag mayroong pag-ibig halos lahat ng bagay nagiging matiwasay at masaya. Masarap ang magmahal, masarap ang makaramdam ng pagpapahalaga, masarap kapag mayroong taong nandyan para mahalin ka. Pero paano kapag lahat ng kasiyahan na iyon ay kumupas na, `tila isang larawan na nawalan ng kulay at buhay. Makakaya mo pa ba? Lalo na kung ang bawat alaala ay sumasaksak sa puso na parang punyal.
Ang sakit ng pagkabigo ay patuloy na dadalaw sa iyo. Mistulang isang bangungot na patuloy na nagpapaalala sayo ng kalungkutan, sakit at pagdurusa. Bawat alaala ay parang dinudurog ang puso mo dahil sa paulit-ulit na sakit. Masarap ang magmahal ngunit mahirap ang mabigo. Kapag ang pag-ibig na pinanghahawakan mo ay bigla kang binitawan, unti-unti kang nasisira. Ang bawat alaala at pangarap na binuo nyo ng sabay ay biglang naglaho, kasabay ang pagguho ng puso at pagkatao mo.
Para sa mga nasaktan at patuloy na nasasaktan. Inihahandog ko sa inyo ang labing tatlong hakbang para muling makabangon.
1. Damhin ang sakit. Hindi lahat ng pag-iibigan ay mayroong magandang pagtatapos (happy ending). Mayroong mga pag-ibig na sadyang magtatapos sa hindi magandang paraan. Hayaan mo ang sakit. Damhin mo ang bawat sakit hanggang mamanhid at magsawa ka. Gawin mo itong instrumento sa iyong pagbangon.
2. Itapon mo ang lahat ng alaala o bagay na makakapagpaalala sa’yo ng sakit. Ang mga alaala na magkasama nyong binuo ay hindi makakatulong sa’yo, lalo na kung patuloy mo itong babalikan. Itapon mo ang lahat na bagay na ibinigay niya sa’yo. Burahin mo ang lahat ng texts at conversations nyo. Subukan mo siyang tanggalin sa isipan mo. Kalimutan mo siya at ang dati nyong relasyon.
3. Tanggapin mo ang katotohanan. Hindi na maibabalik ang nakaraan. Ang mga matatamis nyong ngitian at ang inyong pagmamahalan ay lumipas na. Ang dati nyong relasyon ay mananatili na lang na isang alaala. Mabuhay ka sa kasalukuyan, tanggapin mong wala na siya, wala ng kayo. Talikuran mo na ang nakaraan at harapin ang kasalukuyan.
4. Humingi ng tulong sa Panginoon. Ang pag darasal ay isa sa mga mabisang paraan upang makahingi ng mas mabilis na paraan sa paghilom ng sugat. Humingi ka ng tulong at paggabay sa Panginoon. Hayaan mo siyang bigyang direksyon ang iyong buhay. Magtiwala ka sa Kanya sapagkat mayroon siyang plano para sa atin.
5. Humanap ka ng bagong mapaglilibangan. Huwag mong ikulong ang sarili mo. Maging masaya ka, humanap ka ng mga gawain na makakapagbigay aliw sa’yo. Maging abala ka upang mabawasan ang pag-iisip mo sa kanya. Maging malaya ka tulad ng ibon, libutin mo ang mundo at magpakasaya ka.
6. Lumapit sa mga kaibigan. Sa pinakamalungkot na parte ng buhay mo, nandyan ang mga kaibigan mo para damayan ka. Sabihin mo sa kanila lahat ng sakit at andyan sila para makinig at dumamay sa’yo. Hayaan mo silang tulungan kang pawiin ang sakit.
7. Iiyak mo ang lahat. Mahirap maranasan ang pagkabigo. Lahat ng sakit na nararamdaman mo, ilabas mo. Alalahanin mo ang lahat sa huling pagkakataon. Alalahanin mo bawat saya at sakit, pagkatapos iiyak mo ang lahat. Ilabas mo ang lahat ng nararamdaman mo hanggang gumaan pakiramdam mo. Pagkatapos, bitawan mo na ang lahat.
8. Hayaan mong maghilom ang sugat. Huwag mong hayaang patuloy kang malugmok, bumangon sa iyong pagkakadapa at magsimula ulit. Hindi ganon kadali ang paglimot sa lahat ngunit dapat ay kayanin mo. Unti-unti ang gawin mong hakbang hanggang tuluyan ng mawala ang sakit.
9. Baguhin mo ang tingin mo sa nakaraan. Ang sakit na naramdaman mo dati ay gawin mong instrumento sa iyong panibagong simula. Baguhin mo ang tingin at pananaw mo sa inyong dating relasyon. Imbis na puro sakit ang naaalala mo, gawin mo itong inspirasyon sa mga susunod pang hamon sa buhay mo.
10. Patawarin mo siya. Eto na ang closure, eto na ang pagtatapos at ang panibagong panimula para sa inyo. Ang pagbibigay ng kapatawaran ay hindi madali, aabutin ito ng matagal. Mahirap patawarin ang taong nagdulot ng sobrang sakit sa iyong pagkatao. Pero ang kapatawarang ibibigay mo, ay hindi lamang para sa kanya kung hindi para din sa’yo. Sa pagpatawad mo sa kanya, pinalaya mo na rin ang sarili mo sa kanya.
11. Matuto sa iyong mga pagkakamali. Sa pagtatapos ng isang relasyon, mayroon palaging dahilan. Pwedeng mayroong isang nagkulang, may nagsawa o may sitwasyon na umipit sa kanya. Sa mga pagkakamali at pagkukulang na nagawa mo dapat matuto ka at baguhin ang mga iyon. Sa bawat bagay na pagdadaanan natin, mayroon tayong matututunan gamitin natin ito para sa paunlad ng ating sarili.
12. Mahalin mo ang iyong sarili. Pano ka matututong magmahal ulit kung ang sarili mo mismo ay di mo kayang mahalin. Kailangan mo munang matutunang pahalagahan ang sarili mo bago mo ingatan ang ibang tao. Matuto kang magtira sa sarili mo, hindi puro bigay. Subukan mo ring tumanggap ng pagmamahal.
13. Huwag kang matakot magmahal, MULI. Sa oras na makaramdam ng sakit ang iyong puso, dalawa lang ang maaaring kahantungan nito: ang pagsarado nito at pagtigil sa pagmamahal o ang hayaang bukas ito para sa susunod pang pag-ibig. Huwag mong hayaang magapi ka ng takot na magmahal, hayaan mong sumibol ang bagong pagmamahal na maaaring makapagpasaya sa’yo muli.
Lahat tayo ay may kapasidad na magmahal at mahalin, lahat tayo ay nasaktan at may kakayahang manakit. Dumating na sa parte ng buhay na tayo ay nadapa at minsan naman tayo ang naging dahilan ng pagkakadapa. Dadarating din ang araw na may magsasawa, may mga hindi pagkakaintindihan at mga alitan. Ang mga simpleng problema na ‘yon ay maaring humantong sa hiwalayan.
Sa mga sakit na ating pinagdaan at sa mga problemang ating kinaharap, huwag mong hayaan na maapektuhan ka. Maaaring masaktan o panghinaan ka ng loob pero huwag kang susuko.
Ang buhay ay maihahalintulad sa isang paro-paro bago mo makamit ang kagandahan nito, dadaan ka muna sa mga paghihirap at mga pagsubok. Ang bawat hirap at pighating ating dadanasin ay mas magpapaganda sa buhay. Ipinapakita lang nito na ang bawat hadlang at sakit ay dinadala tayo sa magandang pagtatapos.