top of page

"Muli"

Isang Lathalain

 

By: Allyson Jane Cruz

 

Sa pagtatapos ng lumbay. Sa pagsibol ng bagong umaga. Sa pag-inog ng mundo. Handa ka ba muling tumaya sa bagay na minsan nang ika’y nabigo?

Darating ang panahon na: ang matibay na tao ay bibigay, ang masayahing tao ay malulungkot, ang matiising tao ay susuko, ang taong matapang ay maduduwag at ang taong mapagmahal ay masasaktan.

Sa mga alon ng pagsubok at sa mga dagok ng problema, ang iyong kalasag ay magkakalamat. Sa pag-ihip ng mga pagdududa at paghihinala ang pundasyon ng pagkatao ay mabibitak. Hanggang sa masira at tuluyang bumagsak.

Darating ang panahon na: ang taong nadapa ay muling babangon, ang taong nawala ay muling babalik, ang taong nabigo ay muling susubok, ang taong lumuha ay muling ngingiti at ang taong nasaktan ay magmamahal muli.

Sa pagdaan ng oras at sa paglipas ng panahon, ang mga sugat ay maghihilom. Ang bakas ng kahapon ay mawawala at ang sakit ay maglalaho. Kakatok ang kapatawaran at papapasukin ang pagpapatawad.

Haharapin ang bagong umaga at muling makikita ang pagsikat ng araw. Tatayo mula sa pagkakadapa. Muling babangon. Muling tataya. Ngingiti, sasaya at magmamahal muli.

Sa kabila ng sakit, sa kabila ng dami ng ulan at bagyong kinaharap. Muli pa ring sumilip ang saya at bahaghari ng kulay at pag-asa.

© 2021 by Allyson Jane Cruz. Proudly created with Wix.com

bottom of page