top of page

"pagbitaw"

Isang Kwento

 

By: Allyson Jane Cruz

 

Ano nangyari sa pangako mong ‘ang kamay ko ay hahawakan mo panghabang buhay?

Ang buhay ay isang libro. Binubuo ng iba’t-ibang pahina. May pagsubok na kakaharapin at kasiyahan na dadamhin. Mga karakter na huhubong at sisira sa’yo. Mga alaala na patuloy na balik-balikan. At ang pagtatapos na inaabangan.

Nagsimula ang lahat sa high school. Totoo nga na ang high school life ang pinaka memorable. Yung mga karanasan, kasiyahan, kalokohan, kabarkada at mga alaala. Ang high school ang naging unang pahina sa kwento naten.

Una tayong nagkita sa tindahan sa may kanto namin. Tinawag mo ko, hindi ko makakalimutan ang mga katagang sinabi mo sakin ‘non.

“Ate na nakamanong shorts at blue na jersey shirt na may number 24. Magkamukha tayo ng jersey, siguro meant to be tayo.” Sabay turo mo sa suot mo at ngumiti ka saken. Inirapan lang kita. Ang lakas kasi ng hangin mo sa katawan.

Naging sunod-sunod na ang pagkikita natin. Inis parin ako sa’yo ‘non, pero unti-unti nakita ko yung totoong ikaw. Yung akala ko sa’yong mayabang, mahangin at presko, hindi naman pala. Iba pala yung kalooban mo. Gentle man, mabait at maalaga ka.

Naging magkaibigan tayo. Palaging magkasama, hindi na nga tayo mapaghiwalay. Yung mga oras na magkasama tayo, hindi ko namamalayan ito. Tuwing tayo ay magkausap o magkatext, hindi ko ramdam ang pagod o antok. Ang ilang minuto at oras lamang na hindi tayo makasama ay pakiramdam ko ilang taon na ito. Laging nandyan ang pananabik sa panibagong bukas na ating kakaharapin. Sa tingin ko may nararamdaman na ako para sa’yo.

 

Pinilit ko itong itago sa mga ngiti at tawa. Ayokong may magbago, ayokong mawala ang pagkakaibigan natin. Natakot ako sa mga posibilidad at sa kahahantungan kung malalaman mo ang nararamdaman ko. Hindi pa rin ako handa sa pag-ibig.

Ayokong tumaya sa isang bagay na walang kasiguraduhan. Hindi ko alam kung pareho tayo ng nararamdaman o ako lang ang nag-iisip nito. Pero kung paano ka ngumiti sakin at kung paano mo ako alagaan, hindi ko maiwasang umasa. Umaaasa ako na baka sakaling maibalik mo ang pagtingin ko.

Sa kabila ng nagpupumiglas na damdamin ko para sa’yo, tinago ko ito dahil mas pinili kong maging kaibigan mo lang kaysa mawala ka sakin.

Ikaw ang bumuo ng high school life ko. Ang kaligayahan na ibinigay mo, ang mga pagsubok na sabay nating nalagpasan at ang pagmamahal na pinaranas mo sakin ay hanggang alaala na lang. Sa pagtatapos natin ng high school ay siya ring pagtatapos ng pinagsamahan natin. Ang lahat ay may pagtatapos, natapos na ang kabanata para sa atin.

Umalis ako. Hindi ko ginustong umalis at talikuran ang lahat, kinailangan lang talaga. Kailangan kong samahan ang aking nanay sa panibagong simula na nais niya. Gusto niyang kalimutan ang lahat ng masakit na pangyayari, ang pagpanaw ng aking ama.

Bagong kapaligiran, mga bagong karakter at isang bagong simula na wala ka. Sinubukan kong magkaroon ng normal na buhay pero pakiramdam ko palaging may kulang. Nagkaron ako ng mga kaibigan, manliligaw at napalibutan ako ng mga taong nagmamahal sakin.

Napaka mapaglaro ng tadhana. Ang magkahiwalay na landas na aming tinatahak ay nagkasalubong. Pareho Muli kong nasilayan ang kanyang matatamis na ngiti ngunit hindi na ito para sakin. Nagkasalubong ang aming mga tingin pero blanko ang titig niya sakin. Hindi na ako ang taong nasa tabi niya, may iba na.

Dalawang taon ang lumipas. Ang dating pagkakaibigan na mayroon tayo ay hindi na naibalik. Nagkakasalubong tayo sa eskwelahan pero mistulang hangin lang ako na hindi napapansin. Nais kong magtanong kung naaalala mo pa ako ngunit hindi ko magawa dahil nakikita ko ang kasiyahan sa inyong mukha kasama ng babaeng ‘yon.

Laging bumabagabag sa aking isipan, kung ano ang nangyari. Nakalimutan mo ba ako o pilit mo akong kinalimutan. Kasabay ng malalamig mong titig ay ang sakit na sumisiksik sa puso ko.

Pinatay ko na ang pag-asa sa puso ko kasi alam kong wala na. Pero lahat ng pag-asa at nararamdaman ko, bumalik ng dahil sa isang sulat.

Oy. Kamusta ka na? Sana nasa mabuting kalagayan ka. Sana masaya ka kasi ako hindi. Napakahirap mo palang kalimutan. Sinubukan kitang palitan pero hindi ko kinaya. Ang hirap ibaon sa limot ng mga alaala natin, ang unang akbay, ang unang yakap at ang unang holding hands. Wala man tayo nung mga panahon na iyon, okay lang basta makasama lang kita sapat na. Ikaw ang unang babaeng minahal ko at gusto kong ikaw din ang huli. Sana pumayag ka. Magkita tayo sa pinagsimulan ng lahat, hihintayin kita gaano man katagal.

Isang sulat na nagbukas ng panibagong pinto para sa atin. Wala ng ikaw at ako, ang tanging meron na lang ay tayo. Mahal kita at handa akong sumugal para sa’yo.

Ang pagmamahal ay hindi purong kasiyahan. Hindi palaging kagandahan at ligaya ang mamamayani, darating ang ulap ng pagdududa at ang bagyo ng pagsubok. Pero ano man ang dumating, ating kakayanin. Magkahawak kamay na sasalubungin kasabay ang mga ngiti sa labi.

Tanggap kita. Nakita ko na ang iba’t-ibang bahagi ng pagkatao mo at wala paring nagbago. Mahal ko ang lahat ng sayo, ang bawat kamalian at pagiging hindi mo perpekto. Tanggap ko ang lahat at ikaw ang gusto ko makasama panghabang buhay.

Nangako tayo sa harap ng Panginoon. Tayo ay magsasama sa hirap at sa ginhawa, sa sakit man o kalusugan at tayo ay magmamahalan panghabang buhay.

Pinunan mo ang bawat patlang at espasiyo sa buhay ko. Ang bawat sulok at kanto ay nagkaroon ng kulay. Ang bawat araw ay puno ng kasiyahan. Walang puknat na pagmamahalan, walang mang-iiwan, walang bibitaw.

Dumaan ang taon kasabay ng pagdaan ng panahong magkasama tayo. Sumabak tayo sa hirap at kalungkutan. Hinarap ang ligaya at kasiyahan. Magkatulong na binuo ang mga pangarap. Magkahawak kamay na sinuong at nilagpasan ang bawat problema. Tayo ay magkasamang tatanda at tutuparin ang pangakong panghabang buhay na magsasama.

Hindi ko inaasahan na sa gitna ng ating paglalakbay ay bibitaw ka. Iniwan mo ako, lumisan ka na sa tabi ko at binitiwan ang kamay ko. Sumakabilang buhay ka na.

Ang puso ko na pinuno mo ng kasiyahan ay nabalot ng pagdurusa. Sa paglisan mo naiwan ang lungkot sa aking tabi. Hindi ko inaasahang matatapos ang lahat sa ganito. Magkasabay tayong tumanda pero bumitaw ka. Ang pangakong tayo ay magsasama habang buhay ay naputol.

Ang sakit ng iyong paglisan ay patuloy na kumakatok sa puso ko. Wala akong magawa kung hindi umiyak at alalahanin ang nakalipas. Patuloy kong binabalik-balikan ang mga paglalakbay natin. Hanggang maalala ko ang huling bagay na sinabi mo bago mo ako iwan.

“Magpatuloy ka kahit wala na ako. Gusto kita makitang masaya ulit. Mahal na mahal kita.”

Kahit mahirap sa loob ko, susubukan ko. Hindi ko kakalimutan ang bawat pahina at kabanata ng buhay natin. Mananatili ka sa puso at isip ko.

Sa libro ng buhay natin, mayroong saya, kalukutan, pagsubok at kabiguan. Ang aral na iniwan mo sakin ay ang pagmamahal ay hindi lang sa hirap at ginhawa masusubukan kung hindi nasa pagbitaw rin. Ang katapangan sa pagbitaw kahit na sobrang sakit. Ang muling pagsisimula kahit hirap sa pagbangon.

© 2021 by Allyson Jane Cruz. Proudly created with Wix.com

bottom of page