top of page

"kasama kang tumanda"

Isang Lathalain

 

By: Allyson Jane Cruz

 

Sa isang mundong hindi na uso ang pangmatagalan. Ang lahat ng bagay ay madali. Mga bagay na natatapos ng sandali. Isang lugar na sakit at paghihiganti ang namamayani. Posible pa kayang ‘Makasama kang tumanda?’

Kadalasan lahat ng bagay ay umiikot sa pag-ibig. Palaging bukang bibig sa kahit anong umpukan ang kanilang mga karanasan sa pag-ibig at kung sino ang kanilang iniibig. Nagmimistulang hangin ang pagmamahal, na parang hindi na nila kayang mabuhay ng wala ito.

Pag-ibig ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Ang pag-ibig ng Panginoon sa atin ang dahilan kung bakit tayo nilikha. Pero ngayon tila naiiba ang gamit ng pag-ibig. Nagiging isa itong hadlang tungo sa magandang kinabukasan. Pag-ibig ang nagtutulak sa mga kabataan sa kapusukan at kasinungalingan.

Sa henerasyong ito, ‘tila napakadaling umibig. Napakadaling sambitin ang mga katagang ‘Mahal kita.’ Pero hanggang saan nga ba kayang tumagal ng salitang iyan? Paano kapag makahanap ka ng mas maganda o gwapo sa kanya? Kung malaman mo ang kaniyang tinatagong ugali? Kung maratay na siya sa banig ng karamdaman? Paano kung malaman mo ang kanyang madilim na nakaraan? Makakaya mo pa bang sabihing mahal kita? O magdadalawang isip ka na dahil sa mga kapintasang taglay niya.

Ang pag-ibig ay hindi lang isang bugso ng damdamin. Hindi ito isang bagay na dapat pasukan ng walang kahandaan. Andyan ang sakit, kalungkutan at kasiyahan sa pagmamahal. Sa oras na pumasok ka dito, dapat ihanda mo ang sarili mo sa kung ano ang pwedeng kaharapin mo.

 

Mayroong dalawang mukha ang pag-ibig, kasiyahan at kalungkutan. Hindi puro saya at galak, mga kabiguan at kalungkutan, at nandiyan ang mga pagbabago at pagsubok. Bagama’t kahit anong kapintasan ang meron sa pag-ibig, masarap ang umibig at ibigin. Tanging kailangan lang nito ay responsibilidad at kahandaan.

Ang tanging pangarap ko sa henerasyong ito ay makasama nila ang kanilang taong mahal sa isang jeep at hawak kamay na sasabihing “Dalawang senior citizen nga po.”

© 2021 by Allyson Jane Cruz. Proudly created with Wix.com

bottom of page