
"PAGLISAN"
Isang Lathalain
By: Allyson Jane Cruz
Ang lahat ay darating sa pamamaalam. Lahat tayo ay lilisanin ang mundong ibabaw. Mahirap. Masakit. Hindi kapani-paniwala. Pero ito ang reyalidad ng buhay.
Sa ating paglisan, iiwanan natin ang mundong ibabaw, lilisanin ang mahal sa buhay, mawawala ang mga karamdaman at tatalikdan ang yaman. Ang bawat materyal na bagay ay maglalaho at malalaos ngunit ang mga alaala na iyong nabuo ay habang buhay na mananatili.
Sadyang mahirap ang mamaalam. Hindi mo alam kung saan ka patungo. Kung paano at kailan ka mawawala. Kung ano ang madadatnan mo at kung sino ang makikita mo. At ang pinakamahirap ay ang nakakatakot na proseso ng kamatayan.
Kadalasan, kapag nawala na ang isang bagay, doon lang natin nakikita ang halaga nito. Ang halaga ng buhay, sa oras na mapatid ito, doon lang natin nakikita kung gaano kasaya at kasarap ang mabuhay.
Ang buhay ang pinaka magandang regalo na ating natanggap. Kahit anong pagsubok ang ibato sa’yo, huwag mong iisipin na sumuko. Ipagpatuloy mo ang buhay kahit na anong hampas at dagundong ang kinakaharap mo. Ang buhay ay maganda kahit anong lukot at kapintasan ang taglay nito.
Harapin ang bawat pagsubok. Maging masaya hanggang pwede pa. Gawin ang lahat ng makakaya. Huwag mabuhay sa pagsisisi.
Sapagkat darating ang oras ng pamamaalam. Ang lahat ng saya at lungkot ng buhay ay mawawala. Ang kamatayan ang puputol ng lahat. Walang pasabi at kusang darating. Ang buhay na minsa’y iniregalo satin ay babawiin. Hindi na maibabalik at hindi na mauulit.
“Gamitin ng tama ang buhay na pinagkaloob dahil sa ito’y mawala. Kailan ma’y hindi na maibabalik pa.”