
"Sampung bagay na ayaw ko sa aking buhay"
Isang Tula
By: Allyson Jane Cruz
Uumpisahan ko sa bilang ng sampo.
Mahal ayoko na. Ayoko nang muling lumuha.
At muling mabalot ng luha ang aking mga mata.
Mga luhang paulit-ulit na lumandas
At paulit ulit ka ring nagpupunas.
Pang siyam.
Ma, Pa ayoko na.
Ayoko nang matulog nang nag iisa.
Na katabi at kayakap ay wala.
Na tuwing iihip ang hangin Ay aking maaalala na ako ay walang kasama.
Pang walo.
Mahal ayoko na.
Ayoko na sa mga pangako.
Mga pangako na laging napapako.
Pati rin sa’yong mga kasinungalingan.
At mga paulit ulit mong dahilan.
Pang pito.
Mahal ayoko na.
Ayoko ng masaktan
Ang masaktan, lumuha at mapaglaruan
Nang ating pagmamahalan
Na dapat dulot sakin ay kasiyahan
Pang anim.
Ma, Pa ayoko na.
Ayoko ng gumising ng mag isa.
Sa higaang wala namang laman
Na susundan ng pagkain ng nag iisa
At pagpasok sa eskwela ng walang yakap at paalam mula sa ina at ama
Pang lima.
Mahal ayoko na.
Ayoko na sa ating mga ala ala.
Na sa tuwing aking sinasariwa
Ay puno ng ngiti, kulay at ligaya
Ngunit ngayon ay napalitan ng galit, sakit at pait.
Pang apat.
Ma, Pa ayoko na.
Ayoko na sa pera.
Na bigay lamang ay pandaliang ligaya.
Perang hindi naman ako mabigyan ng pamilya
Isang magkasama at masayang pamilya.
Pangatlo.
Mahal ayoko na.
Ayoko ng umasa.
Ang umasa sa ating dalawa.
At panghawakan ang pangako mong kumupas na
Dahil mahal sa wakas, natutunan ko nang kalimutan ka.
Pangalawa.
Ma, Pa ayoko ng lumaban.
Ang paulit ulit na laban
Para sa inyong kaunting atensyon
Dahil ma, pa ako’y pagod na
Gusto ko na lamang maghintay
Maghintay para sa aking magulang.
Pang una.
Aking sarili ayoko na.
Ayoko na munang magmahal.
Ang pag-ibig na magbibigay kulay sa aking buhay
Na akala ko’y pupunan ang bawat patlang
Ngunit sa kalaunan ay ito rin ay mamatay
At magiging ala ala na lamang.
Hindi ito numero, ngunit ito na ang panghuli.
Mahal, Ma at Pa Gusto kong bumalik
Sa mga panahong ang mata ko’y nagniningning
Hindi dahil sa luha
Kundi dahil sa ligaya
Pati rin ang aking mga ngiti
Na walang halong kahit pagkukunwari
Na dati’y totoo at galing mula sa aking puso.
Mahal, Ma at Pa
Ako naman ay inyong samahan
Dito sa kalungkulatan at kadiliman
At ako’y inyong hawakan, yakapin at hagkan
At sabihang di niyo na ako iiwan.